Saturday, September 10, 2016

Tips sa Mga Commuters

Ayon sa pag-aaral, majority ng mga naninirahan dito sa Metro Manila ay mga commuters. Kung oobserbahan natin ang mga mataong lugar lalo na kung rush hour, makikita natin na mas marami ang nagko-commute kesa sa mga nakalulan sa private vehicles. Kaya't sa mga madalas magcommute dyan, bibigyan namin kayo ng tips upang maging maayos at matiwasay ang ating byahe. Narito ang mga tips na aming ibibigay sa inyo:

Sumakay at bumaba lang sa itinalagang bus stops o hintuan - Kadalasan, gusto natin na mala-door to door ang siste ng pagsakay at pagbaba natin. Laging sundin ang mga designated bus stops o hintuan na itinalaga ng mga kinauukulan, upang hindi maging abala sa mga kasabay na sasakyan at mga kasabay mong pasahero. Huwag pumayag na ibaba ka sa gitna ng kalsada, bagkus pakiusapan ang driver na itabi ang sasakyan upang di mabangga o makaabala ng iba pang sasakyan na dumaraan.

Laging magdala ng barya - Pag ikaw ay sumasakay ng pampublikong sasakyan, laging magdala ng barya upang maging sakto ang pagbabayad ng inyong pamasahe. May mga kundoktor ng bus o driver ng jeepney na hindi nagsasauli ng sukli, sinasadya man ito o hindi. Kaya't ugaliin na magdala ng barya na madaling suklian.

Bawal manigarilyo sa loob ng pampublikong sasakyan - Kung ikaw ay naninigarilyo, sundin natin ang mga nakapaskil sa mga pampublikong sasakyan na "No Smoking", may mga itinakdang lugar sa ating mga lansangan na pwedeng manigarilyo. Kung ang crew naman ng bus o jeepney driver ang naninigarilyo sa loob ng kanilang sasakyan, ay maari itong pakiusapan.

Maging alisto habang nasa byahe - Maging alisto sa mga nasa paligid mo habang ikaw ay nasa byahe. Kung may kahina-hinalang bagay o personalidad sa loob ng inyong sinasakyan ay agad na ipagbigay alam ito sa mga kinauukulan upang masawata ang mga nagnanais gumawa ng masamang aktibidad.

Bus segregation - Alamin ang mga tinakdang babaan at sakayan sa mga city bus. May tatlong tag ang bus segragation, bus A, B, at C. Ang Bus B at C ay iisa lang ang bus stop na itinalaga sa kanila sa kahabaan ng EDSA, samantalang ang Bus A ay iba ang mga hinihintuan. Kung hindi alam, ay maari naman magtanong sa kundoktor ng bus.

I-double check ang mga dalahin - Huwag pabayaan ang mga mahahalagang bagay sa loob ng pampublikong sasakyan. Kung marami tayong dalahin, idouble check natin ito nang mainam. Kung sakaling may kalakihan ang dalahin, maari itong ipalagay sa 'compartment' ng bus kung may mapaglalagyan.